MANILA, Philippines - Pinapalutang ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga nabiktima ng mga sindikatong nagwi-withdraw ng mga remittance kasunod ng pagkakadakip kamakailan sa isang mag-ina na responsable dito .
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Benjardi Mantele, ang kanyang panawagan ay upang mapadali ang kanilang pagtukoy sa tunay na grupo o sindikato na may kagagawan sa nasabing modus operandi.
Sinabi ni Mantele na ang pagkakadakip at pagsasampa ng kaso laban sa mag-inang sina Marieta Arrabe, 67; at anak na si Melanie 22 ng #14 Mercurio St.,Mabayuan, Olongapo City ay simula pa lamang upang matukoy ang sindikatong nag-o-operate nito.
Ang dalawa ay naaresto matapos na tangkaing i-withdraw ang dalawang dollar checks na nagkakahalaga ng $20,000 kaakibat ang pagpapanggap na sila ang may-ari.
Nabatid na ang matandang Arrabe ay nagpakilala sa alyas Lorna D. World, habang ang anak naman ay nagpakilalang si Shiela Domingo.
Sinabi naman ni Supt. Antonio Yarra, hepe ng CIDU-QCPD ang mga nasabing tseke ay posibleng kabilang sa mga hinayjack sa isang van ng philpost na magdadala sana ng sulat sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Sinasabing ginamit ng sindikato ang mag-ina para mag-encash ng pera, gamit ang mga pangalan ng nakuhang tseke.
Dagdag ni Yarra, sa sandaling makuha nila ang lahat ng impormasyon buhat sa mga biktima na lulutang sa kanilang tanggapan ay maaring matukoy nila kung sino ang nasa likod ng naturang iligal na operasyon.
Ang mag-ina ay nadakip nitong Martes ng umaga habang ini-encash ang tseke sa isang bangko (Asiatrust bank) sa lungsod.