MANILA, Philippines - Makalipas ang apat na araw na pagkaka-confine sa ospital, namatay rin ang isang 15 anyos na estudyante matapos na uminom ng silver cleaner noong Setyembre 5, sa San Andres, Malate, Maynila.
Ayaw nang paimbestigahan pa ni Ginang Jocelyn de Leon, ang pagkamatay ng anak na si Anna Marie Shane, 3rd year high school student at residente ng #919-C San Antonio St., San Andres, Malate, Maynila.
Nadiskubre umano ng ina ng biktima dakong 11:30 ng hatinggabi noong Setyembre 5, ang anak na nakahandusay sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan na bumubula ang bibig kaya isinugod sa Philippine General Hospital (PGH).
Kamakalawa ng gabi ay inireport ng security guard ng PGH sa MPD-Homicide Section na patay na ang dalagita na agad namang tinungo ni SPO4 Richard Lumbad.
Lumilitaw na napagalitan lamang umano ang biktima ng ina dahil sa pagiging pasaway nito.
Ayon sa ina, madalas niyang sinasabihan ang anak at pinapangaralan dahil sa sobrang barkada at pagiging liberated.
Posible umanong ikinasama ng loob ng biktima ang pangaral ng ina hanggang sa ipasyang uminom ng nasabing kemikal.