Estudyante pumalag sa holdap, tinarakan
MANILA, Philippines - Malubha ang natamong mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng isang 46-anyos na staff ng Student Affairs ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) mula sa tatlong umanoy holdaper, sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi. Nakaratay sa Lourdes Hospital ang biktimang si Robertito Roque, ng Rosal St., Old Sta Mesa, Manila makaraang magtamo ng saksak sa leeg, dibdib at kamay.
Naaresto naman ang isa sa tatlong suspect nang isagawa ang follow-up operation ng MPD-Station 8 na kinilalang si Erick Tupaz, 19, ng Mandaluyong City, habang pinaghahanap pa ang dalawa nitong kasamahan. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng Newton Plaza sa Old Sta. Mesa.
Nabatid na habang nakatayo sa harapan ng nasabing mall ang biktima ay nilapitan umano ng mga armadong suspect at pinagtulungan umanong saksakin dahil sa pagpalag umano sa holdap. Dakong alas-10:00 ng gabi ay nagsagawa ng follow up operations ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ni Tupaz.
- Latest
- Trending