MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pumayag na ang mayorya ng mga alkalde sa Metro Manila na muling ipa-implementa ang number coding sa mga pampasaherong bus kasunod ng muling pagsisikip ng trapiko ngayong mga nakaraang linggo.
Ito ang napagkasunduan sa pulong ng mga alkalde na bumubuo sa Metro Manila Council (MMC) nitong nakaraang Miyerkules.
Tatlo naman sa kinatawan ng mga lungsod ang sinabing pag-aaralan pa ang mosyon. Sinabi ni Chairman Francis Tolentino na may agarang pangangailangan na ma-regulate ang dami ng bus na bumibiyahe sa mga pangunahing lansangan partikular na sa EDSA kasabay ng muling pagsisikip ng trapiko dahil sa panay-panay na pagbuhos ng ulan.
Hiniling naman nito sa mga kinatawan ng mga lungsod sa MMC na magbigay ng kanilang mga suhestiyon at opinyon para sa maayos na implementasyon ng number coding sa mga pampasaherong bus.
Suportado ang mosyon ni Malabon City Mayor Canuto Oreta at maging mga kinatawan ng mga lungsod ng Marikina, Quezon, at iba pa. Hiniling naman ng Makati City, Muntinlupa City at Valenzuela City na masusi pa nilang pag-aralan ang usapin bago magdesisyon.
Nabatid na dati nang sakop ng number coding ang mga pampasaherong bus hanggang sa isuspinde ito ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2004.