MANILA, Philippines - On-line registration ng mga sasakyan ang sagot upang tuluyang maglaho ang mga mapagsamantalang fixers sa paligid ng ahensiya.
Sa kanyang pagsasalitan sa ginanap na general membership meeting ng Philippine Finance Association (PFA) sinabi ni Land Transportation Office (LTO) Chief Virginia Torres na pangarap niyang matupad na maging fully automated ang proseso sa transaksiyon sa pagrerehistro ng sasakyan upang maalis na tuluyan ang mga fixers.
Anya, kapag naging on line na ang transaksiyon sa LTO, wala ng mga fixers ang makapagloloko sa mga inosenteng mamamayan na tutungo sa ahensiya para mairehistro ang kanilang sasakyan
Si Torres na dating casual employee ng LTO bago naging District head ng LTO Tarlac at ngayoy LTO Chief ay nagsabing sa ilalim ng kanyang pangasiwaan ay umaasang maipatupad ang computerized motor vehicle registration.
Una nang sinuportahan ni Torres ang House Bill 952 o kilala sa tawag na Compulsory Registration of Heavy Equipment.
Sa ilalim ng bill na ito, layuning mairehistro din ang mga heavy equipments tulad ng bulldozers, road graders, pay loaders, cranes at iba pa na hanggang sa ngayon ay hindi nairerehistro sa LTO at naibebenta at muling naibebenta sa ibang indibidwal na maaaring gamitan ng mga pinekeng dokumento.