Barilan sa loob ng bahay: 3 patay
MANILA, Philippines - Tatlo katao kabilang dito ang isang pulis at isang babae ang nasawi sa naganap na barilan sa loob ng isang bahay sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sa tinamong mga tama ng bala si PO3 Armando Pascua, nakatalaga sa District Security and Support Unit ng Southern Police District (SPD) at naninirahan sa Bagong Lipunan St., Baclaran, Parañaque.
Naisugod naman sa Protacio Medical Clinic ngunit binawian rin ng buhay ang hinihinalang tulak ng iligal na droga na si Arnel Sangcopan, habang nasawi rin sa loob ng San Juan de Dios Hospital ang 31-anyos na si Mary Jane Hernandez dahil sa tama ng bala sa batok.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-6 kamakalawa ng gabi sa loob ng bahay ni Hernandez sa #49 Bagong Lipunan St., Parañaque.
Ayon sa mga saksi, nakitang pumasok sa bahay si Pascua kasama ang isang hindi nakilalang pulis.
Makalipas ang ilang sandali, sumunod na pumasok naman sa loob ng bahay si Sangcopan kasama ang isa pang hindi rin nakilalang lalaki. Iland minuto pa ang lumipas, dito na nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril sa loob ng naturang bahay.
Ayon naman sa ina ni Hernandez na si Aling Loreta, naglalaba siya sa labas ng bahay nang marinig ang mga putok ng baril. Nang humupa ito, naglakas-loob siyang pumasok sa kanilang bahay kung saan tumambad ang duguang anak at dalawa pang lalaki.
Hindi naman mahagilap ang kasamahang pulis ni Pascua maging ang lalaki rin na kasama naman ni Sangcopan. Malaki naman ang teorya ng pulisya na posibleng may kinalaman sa iligal na droga ang naturang insidente na siyang tinutumbok ngayon ng kanilang imbestigasyon.
- Latest
- Trending