MANILA, Philippines - Dahil sa hindi paggamit ng overpass, lasog ang katawan ng isang 17-anyos na binatilyo nang masagasaan at makaladkad ito ng isang van habang papatawid sa Caloocan City kamakalawa. Dead-on-arrival sa Pagamutan Lung sod ng Malabon ang biktimang si Michael JhunAbrio, ng Damata St., Brgy. Tonsuya, Malabon City, matapos magtamo ng matinding pinsala sa katawan. Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Randy Liboon, 29, taga-Kaunlaran Village ng lungsod pa ring ito at driver ng van (RKE-814). Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng hapon sa kahabaan ng C-4 Road, Caloocan City. Nabatid na hindi gumamit ang biktima ng overpass kaya’t sa baba na lamang ito tumawid. Hindi nito ang paparating na van na minamaneho ni Liboon, huli na bago nakontrol ng huli ang preno hanggang sa mahagip nito ang binatilyo. Nakaladkad pa ang katawan ng biktima, dahil dito ay mabilis itong isinugod sa naturang ospital, ngunit hindi na ito nakarating ng buhay.