MANILA, Philippines - Umalerto na kahapon ang Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda laban sa Christmas crimes partikular na ang robbery/hol dup, hijacking, carnapping at kidnapping for ransom (KFR) partikular na sa urban areas kabilang ang Metro Manila.
Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., karaniwang tumataas ang insidente ng kriminalidad sa pagpasok ng ‘ber months’ kaya pinaghahandaan na ng PNP ang pag-atake ng mga sindikato at kriminal dahil sa nalalapit na kapaskuhan.
Inihayag nito, inaasahan na ng PNP ang pagtaas ng bilang ng kriminalidad tulad ng robbery/holdup katulad ng naganap na holdapan sa sangay ng Banco de Oro sa Dasmariñas, Cavite nitong Lunes.
Dahil dito, inatasan na ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang lahat ng mga National Support Units, kasama na ang Highway Patrol Group, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) pati na ang mga Regional Police Directors hanggang sa mga hepe ng istasyon na magsumite ng kanilang anti-crime plan.
Nabatid na nito lamang nakalipas na linggo ay nagpakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 1,000 pulis sa Metro Manila para bantayan ang mga pampublikong lugar lalo na sa bisinidad ng mga shopping malls at pook pasyalan.