MANILA, Philippines - Inasinta sa ulo ang isang barker ng pampasaherong dyip na ikinasawi nito habang pinaghahanap naman ang sinasabing bangkay ng gunman na umano’y nagbaril sa sarili bago tumalon sa Infanta bridge, sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si Dante Geronimo, ng Romana St., Tondo, Maynila sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Iniimbestigahan din ng Manila Police District-Homicide Section kung totoo na nagbaril sa sarili at tumalon sa ilog ang gunman na inilarawan sa edad sa pagitan ng 23-26 at payat ang pangangatawan.
Sa ulat ni SPO3 Danilo Vidad, dakong alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.
Nabatid na natutulog sa isang bangko ang biktima sa labas ng kaniyang bahay nang lapitan umano ng suspect at walang sabi-sabing binaril nang malapitan ang una. Mabilis namang tumakas ang suspect pero nakita ito ng mga residente kaya hinabol. Nang makorner ito sa tulay ng Infanta ay doon ito nagbaril sa sarili at tuluyang nahulog sa ilog.
Nabatid na bago ang isinagawang krimen ay nakita ang suspect na paikot-ikot sa bahay ng biktima.
Hindi pa malinaw sa pulisya kung ano ang motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktimang barker, habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.