MANILA, Philippines - Nagpalabas ng advisory ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) na hindi muna tatanggap ng manganganak ang pagamutan simula Setyembre 8 (Miyerkules) na tatagal sa loob ng 2 linggo para sa regular na paglilinis sa kanilang nursery upang matiyak ang kalinisan sa pasilidad.
Ayon sa tagapagsalita ng PGH na si Dr. Michael Tee, bagamat sarado ang kanilang OB admitting section ay mananatili naman ang serbisyo nito para sa ibang OB cases, bukas umano ang kanilang OB-Gyne Department para sa anumang konsultasyon gayundin sa OB emergency, hindi lamang maaaring tumanggap ng manganganak dahil sa walang nursery na paglalagyan ng mga bagong silang na sanggol.
Ipinaliwanag ni Tee na quarterly ang kanilang isinasagawang paglilinis sa nursery bilang pag-iwas na rin sa mga sakit na maaaring dumapo sa mga bagong silang na sanggol gaya ng neonatal sepsis
Nakikipag-ugnayan na umano si PGH Director Dr. Rolando Enrique Domingo sa mga kalapit na ospital hinggil sa mga referrals sakaling mayroon man lalo na ang mga manggagaling sa lalawigan..
Inamin ni Tee na karaniwang “crowded” ang kanilang nursery dahil sa dami ng pasyenteng dinadala dito partikular ang mga may mga sensitibong kaso gaya ng pre-term labor, nabatid na 45 lamang ang kapasi dad ng kanilang nursery subalit kadalasan ay umaabot ito sa 70 hanggang 80 sanggol, aniya, nasa 20 pasyente umano kada araw ang nanganganak sa PGH.