MANILA, Philippines - Lumutang na kahapon ang bangkay ng 2nd year hayskul student na nalunod sa mababaw na ilog sa kasagsagan ng malakas na ulan noong Biyernes sa hangganan ng Parañaque at Pasay City.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Jerry Gutierrez, 15, ng Block 8, Lot 15, Barrio Filipino, Don Carlos Village, Pasay City, estudyante ng Don Carlos High School.
Sa ulat na natanggap ni P/Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City PNP, sumamang maligo ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa Redemptorist Channel matapos ang kanilang klase.
Ayon kay Ulysis Lindo, 13, nagkatuwaan silang maligo sa ilog matapos mabasa ng ulan kung saan hindi naman nila namalayan na lumalim na ang dating mababaw na ilog.
Dito na hindi lumutang si Gutierrez kaya kaagad na ipinagbigay-alam sa kinauukulan ang pagkawala nito.