MANILA, Philippines - Ipagbabawal na sa lungsod ng Valenzuela ang paggamit ng plastic bag, ito ang isinusulong ngayong ordinansa ni Valenzuela City Liga ng mga Brgy. President Councilor Alvin Feliciano sa Sangguniang Panglungsod.
Sakaling maaprubahan sa Sangguniang Panglungsod ang proposed ordinance number 2010-006, ipagbabawal na ang paggamit ng plastic bag at iba pang non-biodegradable na sisidlan ng iba’t-ibang pamilihan.
Nakasaad pa sa naturang ordinansa, isa ang plastic bag sa ginagamit ng mga tao na hindi natutunaw at nagiging dahilan ng pagbara nito sa mga estero, kanal at iba pang daluyan ng tubig na nagreresulta ng pagbaha sa iba’t-ibang lugar sa tuwing panahon ng tag-ulan.
Bukod dito, ang plastic bag din ang isa sa dahilan kung bakit nalalaspatangan ang kalikasan, kaya’t isa ito sa sanhi ng global warming.
Dahil sa mga masasamang epektong ito ng plastic bag ay naisipang isulong ni Feliciano ang ordinansang pinamagatang “Paper Bag Ordinance”.
Ang sinumang negosyante na mahuhuling lumalabag sa kautusang ito ay maaaring patawan ng kaparusahang: 1st offense – written notice at warning, 2nd offense – multa na aabot hanggang P5,000; 3rd offense – multang P5,000 at temporary suspension ng business permit ng labing limang araw (15 days); 4th offense – multang P5,000 at pansamantalang suspensiyon ng business permit ng tatlumpung araw (30 days) at 5th offense – tuluyang pagtanggal ng business permit at ang operasyon nito.
Naatasan ding magpatupad sa ordinansang ito ang Office of the City Mayor sa pamamagitan ng business permit and licensing office (BPLO).
Umaasa naman si Feliciano na susuportahan ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ang ordinansang ito na makakatulong sa pagpapanatili ng kalinisan sa buong lungsod.