MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang dalawa umanong retiradong pulis na sangkot sa pagbebenta ng droga ang naaresto ng tropa ng Metro Manila Regional Office (MMRO) at Special Enforcement Service ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraan ang pagsalakay sa isang barangay na pugad umano ng bentahan ng shabu sa lungsod Quezon kamakalawa.
Sa isinumiteng ulat kay PDEA Director General Dionisio R. Santiago, kinilala ang mga nadakip na sina SPO1 Erlindo Orosco at Giron Cosme, dating pulis QCPD, at kalive-in nitong si Eileen Valdez, 36 at Alfredo Ramos, alyas Santa.
Patuloy naman ang pagtugis ng PDEA sa isang alyas “ Popoy” na umanoy lider ng grupo.
Ang pagsalakay ay bunsod ng search warrant na inilabas ni branch 21 Executive Judge Amor Reyes ng Manila RTC.
Nakuha sa bahay ng mag-live-in ang apat na sachet ng shabu at mga paraphernalias.
Halos katabi lamang ng tanggapan ng PDEA ang sinalakay na lugar.
Pasado alas -3 ng hapon nang lusubin ng tropa ang squatters area sa Postal site, NIA Northside road, ilang hakbang lamang mula sa tanggapan ng PDEA.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga nahuling suspek na nakapiit ngayon sa PDEA.