MANILA, Philippines - Hindi sinipot kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang ‘show of force ‘ ng special forces ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagresponde sa hostage crisis, mahigit isang linggo matapos ang madugong hostage sa Quirino grandstand , Maynila noong Agosto 23.
Kahapon, ipinakita ng elite units ng NCRPO ang kanilang kakayahan sa hostage crisis upang hindi na maulit pa ang palpak na rescue operation sa pagkasawi ng 8 turista at ng hostage taker na si dating Sr. Inspector Rolando Mendoza.
Si PNoy ang magsisilbi sanang guest of honor sa nasabing ‘hostage scenario exercises’ ng Special Action Force (SAF) team at Regional Public Safety Batallion (RPSB) ng NCRPO.
Ayon naman kay PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., ang pagpapakita ng kaalaman ng mga pulis ay upang patunayan sa publiko at maging sa international community na may kakayahan pa rin ang PNP sa pagtugon sa hostage crisis sa kabila ng palpak na operasyon sa tourist bus hostage na isinagawa ng nadismis sa serbisyong si Mendoza.
Gayunman sa nasabing exercise ay hindi tourist bus ang pinasok ng mga armadong kalalakihan kungdi isang bangko kung saan hinostage ang mga empleyado nito.
Bahagi ng isinagawang scenario ay ang ‘crowd control ‘ laban sa mga usisero kung saan naglagay ng ‘police line do not cross’ at naglagay rin ng ‘media area ‘ na dito lamang pinakikiusapang pumuwesto ang mga mamamahayag ilang metro ang layo sa hostage site.