MANILA, Philippines - Maaring hindi magsuot ng uniporme ang mga mag-aaral sa mga pampublikong elementarya at high school at pwedeng pantalon o pajama at long sleeves ang kanilang gamitin bilang panlaban sa mga kagat ng lamok na may dalang dengue.
Sa Maynila, pinapayagan na ng Division of City Schools of Manila ang pagsusuot ng pantalon ng mga mag-aaral sa elementarya upang pansalag sa kagat ng lamok na nagdudulot ng dengue.
Sinabi ni Asst. Supt. Cristina Reyes, na hindi na sila maghihigpit sa uniporme upang malabanan ang lalo pang pagkalat ng sakit na maaaring maging epidemya.
Ibinase umano nila ito sa memorandum order na inilabas ng DepEd base sa rekomendasyon ng Department of Health. Inamin ni Reyes na nakababahala ang pagdami ng mga nagkakasakit ng dengue sa mga public school sa Maynila na nitong Agosto ay umabot na sa 50 ang kumpirmadong kaso kung saan tatlong estudyante ang namatay.
Sa Quezon City, ilang paaralan na rin ang nagpapapasok sa kanilang mga mag-aaral kahit nakasuot ang mga ito ng mga pajama.
Kabilang rito ang Rosa L. Susano-Novaliches Elementary School na may pinakamalaking populasyon ng mag-aaral sa elementarya sa buong bansa na may 9,600 estudyante.
Sa datos ng DOH, may 54,659 na ang tinamaan ng dengue sa buong bansa na may 429 nang nasasawi. Mas mataas ito ng 74.9% kaysa sa naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.