MANILA, Philippines - Patay ang isang bagitong pulis makaraang masagi ang sinasakyan niyang motorsiklo ng isang traktora sa kahabaan ng EDSA, Pasay City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si PO1 Oliver Padro, 31, nakatalaga sa Regional Mobile Group sa Camp Bagong Diwa, Taguig at naninirahan sa Sampaloc, Maynila.
Inaalam naman ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan sa driver ng tractor head na nakasagi kay Padro na tumakas makaraan ang insidente.
Sa ulat ng Pasay police, lulan ang biktima ng kanyang motorsiklong may plakang 7942-UA at binabagtas ang kahabaan ng EDSA mula sa Taft Avenue patungong Makati City dakong alas-3 ng madaling-araw nang masagi ng traktora na hindi nakuha ang plaka.
Sa lakas ng pagkakabangga, may ilang metrong tumilapon sa ere ang biktima at una ang ulo na bumagsak sa kalsada sanhi ng pagkakabagok at agad na kamatayan ng pulis.
Nabatid naman na pinagnakawan pa ng mga istambay sa naturang lugar ang bangkay ng biktima bago marespondehan ng mga awtoridad.