HK police pinigil sa NAIA
MANILA, Philippines - Isang opisyal ng Hong Kong Police ang pinigil ng mga tauhan ng PNP Aviation Security Group sa NAIA matapos nilang matuklasan ang mga basyo ng bala ng M16 rifle at cal. .45 pistol sa loob ng dala nitong bagahe.
Nakilala ang Hong Kong police na si Chief Inspector Li Kwai Wah, na nakatakdang umalis papuntang Hong Kong kahapon at sasakay ng Cathay Pacific flight CX 900 nang pigilin ng mga awtoridad sa NAIA Terminal 1.
Ayon sa impormasyon, nakita ang mga basyo ng bala sa loob ng bagahe ni Li nang dumaan ito sa X-ray machine sa Initial Security check-in counter sa may departure area ng nasabing paliparan pero hinayaan siyang dumaan dahil kasama ang isang kinatawan ng Chinese Embassy at inakalang idideklara nito ang basyo ng mga bala bago sumakay sa eroplano.
Ang mga basyo ng bala ay mula sa baril ni hostage taker Chief Insp. Rolando Mendoza na ginamit sa test fire upang suriin sa gagawing ballistic examination ng Hong Kong Police.
Gayunman sinabi ni NBI Director Magtanggol Gatdula na tumawag sa kanya ang dalawang HK policemen nang pigilin sila ng mga awtoridad sa NAIA upang ipaalam ang kanilang sitwasyon.
Ayon kay Gatdula nagkaroon lamang ng kakulangan ng coordination sa pagitan ng Hong Kong Police at ng local authority.
Matapos ang pangyayaring ito ay pinayagan si Li na makaalis ng bansa nang makakuha ito ng clearance mula sa Department of Justice.
- Latest
- Trending