MANILA, Philippines - May 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nangyaring sunog dulot ng umano’y napabayaang kandila sa lungsod Quezon kahapon, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Rosendo Cabillan, arson investigator ng Quezon City Fire Station, aabot sa 50 kabahayan ang nasunog sa may Calle II, Agham Road, San Roque 1, Brgy. Pag-asa sa lungsod ganap na alas- 6:30 ng umaga.
Sa inisyal na pagsisiyasat, nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag na bahay ng isang Ricardo Tubal, barangay ex-o dahil sa napabayaan umanong kandila sa loob nito.
Matagal na umanong walang suplay ng kuryente ang bahay ni Tubal kung kaya gumagamit ito ng kandila bilang ilaw.
Subalit, ayon kay Cabillan, itinatanggi umano ni Tubal ang alegasyon dahil umaga naman daw para gumamit pa ng kandila. Gayunman, upang mabigyan ng linaw ang sumbong ay inimbitahan ng pamunuan ng pamatay-sunog si Tubal, pero nagmamatigas umano itong sumama.
“Duda kami sa kanya, kaya pinadalhan na namin siya (Tubal) ng ikalawang imbitasyon, pero kung hindi siya sasama ay gagawa na kami ng aksyon para dito,” sabi pa ni Cabillon.
Samantala, dahil pawang mga gawa sa light materials ang mga barung-barong ay mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa Task Force Bravo.
Naideklarang fire out ang sunog ganap na alas-7:30 ng umaga.
Wala namang iniulat na nasawi sa sunog maliban sa isang Edward Ramos, 15, na nasugatan matapos na mahulog sa bubungan ng kanyang bahay at ginagamot ngayon sa malapit na ospital.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pamatay-sunog sa nasabing insidente.