MANILA, Philippines - Nalusutan ng mga holdaper ang ipinagmamalaking pinalakas na police visibility ng pulisya makaraang matagumpay na makapangholdap ng mga pasahero ng isang bus ang anim na armadong lalaki, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Sa ulat na nakarating sa Las Piñas police, dakong alas-10:45 ng umaga nang magdeklara ng holdap ang anim na lalaki na nagpanggap na pasahero sa loob ng WLH Transit bus habang tinatahak ang kahabaan ng Alabang-Zapote Road.
Ayon sa mga pasaherong nagsumbong sa pulisya, halos mapuno umano ang tatlong sako na dala ng mga holdaper nang tangayin ang kanilang mga mahahalagang gamit, salapi, alahas, cellphone at maging mga bag ng mga pasahero.
Bumaba ang mga suspek sa tapat ng isang gas station sa Pamplona I ngunit nagbanta muna na babarilin ang sinuman na magtatangkang sumunod sa kanila.
Nabatid pa sa imbestigasyon na galing sa South Mall ang naturang bus at patungo sa Plaza Lawton sa Maynila. Armado umano ang mga suspek ng mga maiigsing baril na kalibre .45 at kalibre .38.
Kasalukuyang kinukunan naman ng deskripsyon ng pulisya ang mga pasaherong biktima upang makabuo ng cartographic sketch sa mga suspek.
Matatandaan na inihayag kamakalawa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang pagdaragdag ng 1,000 tauhan ng pulisya at pagpapaigting ng police visibility sa Metro Manila dahil sa inaasahang pagsalakay ng mga holdaper at iba pang kriminal ngayong pumasok na ang mga buwan ng “ber” at papalapit na ang panahon ng Kapaskuhan.