MANILA, Philippines - Ipagbabawal na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang toxic substances na gamit na sangkap ng silver cleaner. Ito ay batay sa resulta ng ginawang multi-sectoral consultative meeting ng DENR sa pagitan ng civil society at industry sectors na humihiling na kontrolin ang paggamit ng silver jewelry cleaners na may sangkap na cyanide. Sinabi ni DENR Secretary Ramon Paje na mula 1997 ang ahensiya ay nagpalabas na ng Administrative Order No. 39 na kilala sa tawag na Chemical Control Order (CCO) para sa cyanide at cyanide compounds. Sa ilalim ng kautusang ito, ang Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR ay naatasang kontrolin ang industrial importation, paggamit at distribusyon at disposal ng cyanide at cyanide compounds.
Ayon kay Paje, ang kautusang ito ay para sa lahat ng mga importers, distributors at industrial users ng electroplating, mining at metallurgy, steel manufacturing, plastic production, at jewelry-making. Napagkasunduan din ng DENR sa pagitan ng DOH na hihigpitan ang monitoring system para sa pagkakaloob ng permits at clearances ng mga facility owners gayundin ang bentahan ng paglinis ng alahas na hindi nasuri, rehistro, labeled at certified cyanide-free. Ang mahuhuling negosyante na gamit ang silver jewelry cleaner na may cyanide ay pagmumultahin ng DENR bukod pa sa pagsasara ng kanilang negosyo.