MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na dalawa sila ni Manila Police District (MPD) Chief Supt. Rodolfo Magtibay na nag-uutos sa Special Weapons and Tactics (SWAT) kaya nagkaroon ng kalituhan at napalpak ang pagresolba sa hostage crisis.
Ayon sa alkalde, hindi pwedeng malito ang mga miyembro ng SWAT teams dahil hindi naman siya nakikipag-usap sa mga ito at tanging si Gen. Magtibay lamang ang kaniyang kinakausap. Siya umano ang tumayong chairman ng crisis management committee at vice chairman si Magtibay na ang direktang may control sa SWAT teams bilang ground commander.
Kinakausap niya rin umano si Supt Orlando Yebra sa kasagsagan ng hostage drama upang malaman niya ang sitwasyon.