Lolo patay sa holdaper na sekyu
MANILA, Philippines - Isang 72-anyos na lolo ang nasawi makaraang madamay sa pamamaril ng isang security guard na hinahabol ng mga awtoridad dahil sa insidente ng panghoholdap sa isang bakery sa lungsod Quezon kamakalawa.
Sa naturang insidente, sugatan din ang security guard matapos na makipagpalitan ng putok sa mga umaarestong operatiba ng Special Weapon and Tactics (SWAT) ng Quezon City Police.
Kinilala ang nasawing lolo na si Herbin Cornista, ng Brgy. Bagong Pagasa sa lungsod sanhi ng tama ng bala ng kalibre 45 baril sa dibdib at tiyan.
Ayon kay Chief Insp. Benjamin Elenzano Jr., hepe ng Homicide Section ng Quezon City Police, mahigpit na binabantayan ngayon ng pulisya sa Quezon City General Hospital ang sugatang suspect na si Robert Pingad, 40, na nagtamo ng mga tama ng bala sa hita at dibdib.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa bahay ng biktimang si Cornista ganap na alas-8:30 ng gabi. Bago nito, nagpunta ang suspect sa isang bakery na nasa kanto ng Road 2 at Road 4 at nagkunwaring kustomer na bibili ng tinapay subalit ilang sandali pa ay bigla na lang itong nagbunot ng baril saka agad na pumasok sa loob ng tindahan at nagdeklara ng holdap. Natangay nito ang cash na aabot sa P7,000.
Agad namang nakahingi ng tulong sa pulisya ang mga tauhan sa bakery at kabilang si PO2 Rodolfo Saborco na nakatira malapit sa tindahan na rumisponde. Ngunit hindi pa nakakalapit si Saborco ay pinaputukan na ito ng suspect sanhi upang mauwi ito sa palitan ng putok. Dito na napilitang tumakas ang suspect at magtatakbo patungo sa loob ng bahay ni Cornista na nandoon din ang anak na si Helen para magtago. Pero mabilis na nakalabas ng bahay si Helen at magsisigaw ng saklolo dahilan para pagbabarilin ng suspect ang matanda.
Agad namang nilusob ng operatiba ang nasabing bahay hanggang sa mauwi ito sa palitan ng putok at bumulagtang sugatan ang suspect na nagtago sa loob ng comfort room. Kasong robbery with slight physical injury at murder ang kakaharapin ng suspect.
- Latest
- Trending