MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isang taxi driver na nagpanggap na pulis matapos na arestuhin ang isang tunay na pulis na kanyang tinutukan ng pekeng baril makaraang sitahin dahil sa simpleng problema sa trapiko sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang suspect na si Roque Dy Jr. 46, binata, taxi operator/driver, naninirahan sa Guyabano St., Project 2 sa lungsod.
Siya ay inaresto ni PO1 Crispin Cartagenas Jr., nakatalaga sa Molave Sub-Station (Taurus) Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police makaraang tutukan niya ng baril sa simpleng problema sa trapiko.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Judge Jimenez St., Kamuning Road, Brgy. Kamuning sa lungsod ganap na alas-9:30 ng gabi.
Diumano, sakay ng kanyang motorsiklo si Cartagenas at tinatahak nito ang nasabing lugar nang mula sa likuran ay sumulpot ang taxi na Sir Jon Jon Trans (TVN-313) na minamaneho naman ni Dy.
Dahil naabala si Dy ng motorsiklo ng pulis, binusinahan nito ng sunud-sunod ang huli sanhi upang huminto ito para kausapin ang una.
Pagbaba ni Cartagenas sa kanyang motorsiklo ay nagulat siya na nakatutok na ang baril ng suspect sa kanyang leeg at nagpakilalang pulis sanhi upang aregluhin niya ito at magpakilala ring pulis.
Pero hindi natinag ang suspect sa halip ay pilit na hinahatak ang biktima, hanggang sa tiyempong mapadaan ang isang police traffic sa lugar at nakita ang pangyayari at humingi ng saklolo sa iba pang pulis.
Naalarma naman ang suspect dahilan para makakuha ng tiyempo si Cartagenas at nagawang madis-armahan ang una at arestuhin.
Sa pagsisiyasat, napag-alamang replika lamang ang dala ng suspect na baril at narekober din sa kanya ang isang identification card ng PNP police community Relations Group, Camp Crame na may pirma ni Ret. Gen. Enrique S. Atanacio at Cdr. Elizier Bongabong; isang badge ng Mike Delta Force-Intelligence and Communication Group; at isang letter order mula sa naturang retiradong general.
Patung-patong na kaso ng grave threats, resisting arrest, usurpation of authority and illegal use of uniforms or insigna ang kinakaharap ng suspect.