MANILA, Philippines - Tulad ng kaso ng hostage-taker na si P/Senior Insp. Rolando Mendoza, inatasan ng Office of the Ombudsman si Bureau of Immigration officer-in-charge Rodolfo Ledesma na kaagad ipatupad ang pagtanggal sa serbisyo ng isang opisyal sa Cebu, na napatunayang guilty sa grave misconduct dahil sa pangongotong sa dalawang Tsino.
Sa 8-pahinang desisyon ng Ombudsman na inaprubahan ni Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro, tinanggal na sa serbisyo si Senior Immigration Officer Geronimo S. Rosas ng BI-Cebu.
Sa ulat ni Graft Investigation and Prosecution Officer I Giovanni Tianero, lumilitaw na nanghingi si Rosas ng halagang P.2 milyon kina Minwei Deng at Zhouzhi Cai, na kapwa dumating sa Mactan Cebu International Airport noong Nobyembre 13, 2006 lulan ng Cathay Pacific.
Naging mabigat ang testimonya ni Gabriel Andujar, sa clarificatory hearing na nagsabing mismong sa BI-office sa Mactan Cebu Airport nangotong si Rosas.
Binantaan pa ni Rosas, ang dalawang Tsino na ipadedeport sa Hong Kong kung hindi magbibigay ng malaking halaga dahil sa pagtataglay na tourist visas sa halip na working visas.
Nabatid na ang negosyanteng si businessman George Tan ang nag-imbita sa dalawang Intsik upang tulungan siya sa negosyong prawn sa bansa, bagamat ang dalawa ay hindi marunong magsalita ng English kaya sinundo sila ni Andujar upang magsilbing interpreter at magproseso ng papeles.
“The act of respondent Rosas clearly constitutes Grave Misconduct, subjecting him to administrative sanctions. The solicitation by respondent Rosas of the P200,000.00 transgressed the norm of conduct expected of public officials, especially of respondent Rosas who hold the position of Senior Immigration Officer in the Bureau of Immigration. Such unacceptable conduct cannot be ignored nor forgone by this office,” dagdag pa ng Ombudsman.
Hindi naman kinatigan ng Ombudsman ang alibi ni Rosas.
Samantala, naabswelto naman sa nasabing kaso sina Immigration Officers Gemma Maximo-Torres, Reynaldo Abrea at Ferdinand Valbuena dahil sa kakulangan ng ebidensiya.