MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang isang guwardiya at ang dalagang angkas nito matapos na salpukin ng isang dump truck ang kanilang sinasakyang motorsiklo kahapon ng umaga sa Makati City.
Namatay noon din ang biktimang si Mardon Lansang , 30, binata, ng Brgy. Signal Village, Taguig City.
Samantala, binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang angkas nitong si Kristela Salvador, 26, ng Makati City.
Sinampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting to double homicide ang suspek na si Larry Pagtalunan, 28, ng Kalawaan Pasig City, na nakakulong ngayon sa Makati City Police detention cell.
Naganap ang insidente dakong alas-4:20 ng umaga sa panulukan ng J.P. Rizal Extension at A. Ricarte St., Brgy. West Rembo, Makati City,
Nabatid na parehong binabagtas ng motorsiklong sinasakyan ng mga biktima nang hindi namalayan ng tsuper ng dump truck, kung kaya’t huli na bago nito nakontrol ang preno dahilan upang salpukin nito ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima.