MANILA, Philippines - Hindi umabot ng 24 oras ang pagiging officer-in-charge ng Manila Police District si Senior Supt. Francisco Villaroman nang kahapon ay mag-courtesy call kay Manila Mayor Alfredo S. Lim si C/Supt. Roberto Rongavilla bilang kapalit ng una.
Si Rongavilla ay dating district director for regional administration ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at hepe ng Task Force-Asuncion na humahawak sa kasong torture na kinasasangkutan ni P/S Insp. Joselito Binayug.
Nabatid na ipinatawag ng PNP-Camp Crame si Villaroman kamakalawa ng gabi at inirecall ang order nito upang bumalik sa dating puwesto sa Mindanao.
Ang recall order kay Villaroman ay inihayag kasunod ng kritisismo ni Teresita Ang Sy ng Crusade Against Crime (CAC) na sinabing hindi dapat si Villaroman ang mamuno sa MPD dahil hindi pa tuluyang nareresolba ang kinasasangkutan nitong kasong pagdukot sa dalawang Hongkong national.