MANILA, Philippines - Patay na nang madiskubre ang isang 28-anyos na construction worker na pinaniniwalaang nahulog mula sa ika-6 na palapag ng isang itinatayong gusali, sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni MPD-Homicide Section chief, Insp. Armand Macaraeg ang biktimang si Delfredo Cabuy-os, stay-in sa construction site ng Manila Residences na matatagpuan sa 1160 J. Bacobo St., Ermita, Maynila.
Sa imbestigasyon, dakong alas-6:20 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima na hinihinalang may ilang oras nang patay sa ground floor staging area ng Manila Residences.
Nabatid na bago ang insidente, nakita pang umiinom ng beer ang biktima at mga kasamang sina Leonel Renzales, Paro Soriano, isang alyas “Quiam” at alyas “Rio” sa canteen malapit sa ginagawang gusali.
Nang matapos ang inuman ay nagsiuwian sa kanilang barracks sina Soriano at Quiam subalit ang biktima kasama sina Renzales at Rio ay itinuloy ang inuman sa Sardan Videoke sa Mabini St., at nagsiuwi rin sa construction site dakong 3:30 ng madaling-araw.
Nabatid sa imbestigasyon na sina Rio at Renzales ay dumiretso sa kanilang barracks habang ang biktima ay naiwan sa ground floor ng ginagawang building.
Isang Jonathan Pensader ang nakatuklas sa nakabulagtang katawan ng biktima sa staging area.
Naghinala ang pulisya na nagtungo sa 6th floor ang biktima dahil ang isang pares ng tsinelas ay naiwan doon at isang basyo ng pinagkainan ng instant noodles habang ang katawan niya ay nasa ground floor.
Posibleng bumili umano ng noodles sa canteen ang biktima at nagpahangin sa 6th floor dala ang pagkain kung saan siya hinihinalang na-out-of-balance dahil sa kalasingan kaya nahulog.
Inaalam din kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.