MANILA, Philippines - Sa kabila ng nakasampang kaso laban sa kanya, itinanggi kahapon ni Police Senior Insp. Joselito Binayug, ng Manila Police District na siya ang nag-torture sa robbery suspect sa video na ipinalabas ng ABS-CBN.
Sumipot kahapon si Binayug sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs at ng Committee on Justice and Human Rights kaugnay sa torture video pero itinanggi ng suspendidong police officer ang akusasyon laban sa kanya.
“It is not me Your Honor,” maikling sagot ni Binayug nang tanungin ni Senator Jinggoy Estrada kung siya ang nagto-torture sa lalaking nakahubad sa sahig na tinalian pa sa maselang bahagi ng katawan.
Sinabi pa ni Binayug na hindi niya kilala ang nasabing police officer sa torture video.
Pero nang tanungin ni Estrada si Police Chief Supt. Roberto Rongavilla, head ng Task Force Asuncion, sinabi nito na tinukoy na si Binayug ng asawa ng torture victim na ito ang nagpahirap sa biktima.
“According to the witness who is the wife and the other witnesses that was produced, they identified the suspect to be Police Senior Insp. Binayug,” sabi ni Rongavilla.
Sinabi rin ni Rongavilla na base sa kanilang isinagawang imbestigasyon at sa mga testigo, si Binayug talaga ang nasa torture video kaya sinampahan na ito ng kaso.
Pero muli itong itinanggi ni Binayug at sinabi pang nakahain na ang kaso sa korte.