MANILA, Philippines - Itinalaga sa Bureau of Immigration (BI) ng Philippine National Police (PNP) ang may 21 pulis upang magbigay ng seguridad sa mga opisyal ng BI na mayroong natatanggap na death threats mula sa sindikato ng human trafficking at illegal recruitment.
Sinabi ni Immigration officer in charge Ronaldo Ledesma, humingi siya ng tulong sa PNP police security and protection group (PSPG) upang magtalaga ng mga escort bunsod sa natatanggap na mga death threats ng mga opisyal ng BI mula sa mga hindi nagpapakilalang callers at texters.
Iginiit ni Ledesma na hindi niya maaaring ipagwalang-bahala ang mga pananakot dahil alam nito na mayroon silang natatapakan na mga tao ng magsagawa siya ng reshuffle kamakailan sa mga immigration officials sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Diosdado Macapagal Airport (DMIA) at iba pang airports.
Ang nasabing mga police escorts ay higit umano sa 24 oras na magbibigay ng proteksyon sa mga opisyal ng BI na may death threats.
Nilinaw ni Ledesma na nag-ugat ang death threats sa mga BI officials matapos nitong sibakin ang may 350 confidential agents at iba pang government personnel na itinalaga ng mga ahensiya.
Sinibak din ni Ledesma ang may 39 empleyado at sinuspinde ang may 23 iba pa dahil sa kasong grave misconduct at iba pang kasong administratibo.