MANILA, Philippines - Nagbanta ng malawakang tigil-pasada ang iba’t ibang transport groups anumang araw mula ngayon upang ipa rating ang kanilang mga sentimyento kay Pangulong Noynoy Aquino.
Kasama sa ikinasang tigil-pasada ng transport groups ang grupo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Altodap, Makati Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (MJODA) at iba pang transport groups mula sa mga karatig lalawigan.
Sinabi ni Orlando Marquez, National President ng LTOP at spokesman ng 1 Utak na ikinakasa nila ang tigil pasada dahilan sa nilulumot na ang hinaing ng transport sector na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naaaksiyonan.
Partikular anyang problema ng kanilang hanay ang mga illegal terminal, colorum at pangongotong ng mga enforcers, laluna ng mga enforcers ng mga lokal na pamahalaan na walang habas na nagpapahirap sa kanilang paghahanapbuhay.
“Nailapit na namin ang usaping ito sa DILG at sa DOTC pero ang ginawa ni Secretary Ping de Jesus at Secretary Jesie Robredo ay nag-assign ng tao na haharap sa aming problema, hindi naman makapag-decide ang mga ito kaya walang nangyari sa paghingi ng tulong sa DILG at DOTC kaya sana si Pangulong Aquino na ang bahala sa aming problema,” pahayag ni Marquez.