MANILA, Philippines - Matapos na umani ng kaliwa’t-kanang batikos kaugnay sa naganap na madugong hostage sa Manila, inako na ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Rodolfo Magtibay ang responsibilidad kasunod ng pagboboluntaryo nitong mag-leave of absence, habang sinibak naman ng PNP ang lider ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team at 3 pa nitong tauhan.
Sa nasabing hostage ay nasawi ang hostage taker na si dating Senior Inspector Rolando Mendoza na nadismis sa serbisyo, limang Chinese at ang tatlo pang turista ay mga Canadian national ayon na rin sa paglilinaw ng PNP.
Sa press briefing kahapon sa Camp Crame, inihayag ni PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., na bago nagsimula ang ipinatawag na conference ng Post Critical Incident Management Committee (PCIMC) ay nagbo luntaryo nang magbakasyon muna si Magtibay.
“He just offered verbally his intention to go on leave as long as it takes. The Chief PNP said the Command Group and Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo and his Undersecretaries will have to confer on the matter, they will study the matter,” pahayag ni Cruz.
Ayon kay Cruz, nagboluntaryong magbakasyon muna si Magtibay habang hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng PCIMC kung saan inako nito ang lahat ng responsibilidad sa trahedya dahil ito umano bilang overall ground commander ang nagbigay ng ‘assault order’.
Kasabay nito, sinibak naman ni Verzosa ang lider ng Special Weapons and Tactics Team (SWAT) team na si Chief Inspector Santiago Pascual at tatlo pa nitong kasamahan na namuno sa assault operation.
Ayon kay Cruz, sa pag-uumpisa ng imbestigasyon ng PCIMC na pinamumunuan ni Verzosa ay inako ni Magtibay ang lahat ng responsibilidad sa nangyaring trahedya sa pagkamatay ng 8 hostage habang patay din ang hostage taker na si Mendoza.
Inihayag din ni Cruz na ipinasusumite na ang mga baril ng may 200 SWAT men ng MPD para maisailalim ito sa ballistic examination.
Ayon naman kay NCRPO Chief Director Leocadio Santiago, nasa 50 pulis naman mula sa SWAT at Regional Mobile Group ang isasailalim sa paraffin test bilang bahagi ng proseso ng imbestigasyon sa insidente. Nabatid pa sa opisyal na kumilos ang assault team matapos tuma takbong ihayag ng nakatakas na driver na si Lubang na patay na ang lahat ng mga hostages.
Sa kabila nito, ayon pa kay Cruz ay determinado si Verzosa na ibangon ang imahe ng pulisya na aminadong may mga pagkakataong pumapalpak sila sa operasyon.
Samantalang nangako rin ang opisyal na magiging ‘transparent ‘ sa isasagawang imbestigasyon sa kasong ito.