MANILA, Philippines - Nalampasan ng Port of Manila (POM) sa pangunguna ni District Collector Rogel Gatchalian ang collection target nito sa buwan ng Hulyo matapos itong magpasok sa kaban ng bayan ng P4.87 bilyon, higit ng P55 milyon sa target nitong P4.812 bilyon. Sa ulat ng Director of Financial Service ng Bureau of Customs (BOC), ang Port of Manila ang may pinakamalaking naipong surplus collection sa buong BOC ngayong taon na nagkakahalaga ng P5.86 bilyon. Kada buwan mula Enero hanggang Hulyo, nalampasan ng POM ang target nito, at noong nakaraang buwan, ang NAIA at POM lamang ang nakahigit sa target sa hanay ng mga “billionaire ports.”
Tiniyak ng mga opisyal ng POM na bilang pagsuporta sa kanilang bagong Customs Commissioner Angelito A. Alvarez, gagawin nila ang buong makakaya para mahigitan pa muli ang target sa mga natitirang buwan. Nadagdagan ng P5 bilyon ang target collection ng BOC ngayong taon, at P1.5 bilyon dito ay napunta sa POM, habang ang natitirang P3.5 bilyon ay pinaghatian ng 11 pang ports.
Halos 74 porsyento ng collection ng POM noong Hulyo ay galing sa Formal Entry Division, na nakakolekta ng P3.58 bilyon kumpara sa target nito na P3.53 bilyon. Mula Enero hanggang Hulyo, ang collection surplus ng Port of Manila ay P890 milyon, P1.38 bilyon, P1.2 bilyon, P1.5 bilyon, P731 milyon, P96 milyon, at P55 milyon, ayon sa pagkakasunud-sunod.