MANILA, Philippines - Isang negosyante ang pinagbabaril hanggang sa mapatay bago ito pinagnakawan ng tatlong kalalakihan kahapon ng umaga sa loob ng kanyang tindahan sa Valenzuela City.
Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Arnold Suba, 40, may-ari ng Suba-Dizon Trading sa Sabino Compound, Maysan ng lungsod.
Sa salaysay sa pulisya ng katiwala ng biktima na si Alberto Roa, alas-2 ng madaling araw, ginising siya ng biktima dahil may bumubusina sa labas ng kanilang tindahan.
Paglabas ni Roa ay biglang siyang tinutukan ng baril ng mga suspek bago nagsipasok at nang humarang ang biktima ay agad na pinagbabaril ito.
Matapos ang insidente ay kinuha ng mga suspek ang pera at mga alahas ng biktima bago nagsitakas sakay ng isang kotse na hindi na nakuha ang plaka. Nagsasagawa na nang follow-up operation ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente.