MANILA, Philippines - Isinailalim na sa drug at neuro psychiatric test kahapon sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame ang sinibak na hepe ng Police Community Precint (PCP) Commander at 11 sa mahigit 20 nitong tauhan na nasangkot sa kontrobersyal na torture sa hubo’t hubad na holdaper sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Chief Inspector Victor Drapete, Chief Chemist ng PNP-Crime Laboratory, bandang alas- 8 ng umaga ng isalang nila sa drug test at neuro psychiatric test sina Sr. Inspector Joselito Binayug at 11 nitong tauhan.
Una rito, sinibak ni NCRPO Chief Director Leocadio Santiago si Binayug at buong puwersa ng Asuncion Police Community Precint sa Tondo matapos masangkot sa torture.
Ang pagsibak kay Binayug at mahigit 20 pa nitong tauhan ay matapos mapanood sa isang television station ang isang hubo’t hubad na holdaper habang hinihila mismo ng nasabing opisyal ang ari.
Ang nasabing torture victim na biktima rin umano ng salvage ay nakilalang si Darius Evangelista.
Bunga ng insidente ay naharap rin sa kasong kriminal at administratibo ang buong puwersa ng Asuncion Police Community Precint na pinamumunuan ni Binayug.
Sinabi ni PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., mahalaga ang resulta ng drug at neuro psychiatric test laban kina Binayug upang mabatid kung nasa tamang pag-iisip ang mga ito at nasa impluwensya ng bawal na droga ng masangkot sa torture na nakunan sa video ng cellphone.