ABS-CBN inireklamo ni Revillame sa QCRTC
MANILA, Philippines - Inereklamo ni actor-comedian Willie Revillame sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang ABS-CBN upang bigyang pagkilala o pagbibigay ng “judicial confirmation” sa kanyang pag-rescind sa kanyang kontrata bilang host ng TV station sa ilalim ng programang Wowowee.
Ang hakbang ay ginawa ni Revillame matapos talikuran ng ABS-CBN ang pangako dito ng mga opisyal nito na sina Charo Santos-Concio at Linggit Tan na siya’y pababalikin sa Wowowee noong Hulyo 31.
Sinabi ni Revillame na siya’y sinuspinde ng ABS-CBN ng walang bayad, binawasan ang air time mula 18 oras tungo sa isang oras na lang kada linggo, at ilalagay pa mula sa “live” tungo sa isang “pre-recorded” program na anya’y isang uri ng prior restraint at censorship, na wala sa kanyang kontrata.
Bukod dito, hinayaan rin umano ng ABS-CBN ang hayagang paninira sa kanyang pagkatao sa mga show nito. Pinuna rin ni Revillame ang paglalagay sa kanya sa probationary status, gayundin ang pagtanggal ng oportunidad na siya’y kumita mula sa kanyang “in-show” endorsements.
Bagamat humingi ng danyos-perwisyo si Revillame, sinabi niyang handa niyang isantabi ito kung magkakaroon sila ng ABS-CBN ng maayos na paghihiwalay.
Ayon kay Revillame, buo ang paniwala niya na sa pamamagitan ng kaso ay malalaman ng madla kung sino sa kanila ng ABS-CBN ang inaapi at sinu ang nang-aapi, gayundin kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Binigyang-diin ng mga abogado ni Revillame na napilitan ito na dumulog sa hukuman dahil lubha nang naapektuhan ang mga mahihirap na Pilipino na umaasa sa tulong ni Revillame sa loob at labas ng programa.
Napag-alaman rin na hindi lang si Revillame ang binantaan ng ABS-CBN na kakasuhan kundi pati ang iba pang mga network na kukuha sa kanyang serbisyo habang sa tingin ng ABS-CBN ay buhay pa ang kontrata sa pagitan nito at ng host.
- Latest
- Trending