Fil-Japanese national inutas sa piyesta
MANILA, Philippines - Isang Filipino-Japanese national ang nasawi makaraang pagsasaksakin ng kainuman sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot ng buhay sa Pasay City General Hospital ang biktimang nakilalang si Christian Hero Yoshioka, residente ng 2208 F.B. Harrison St., corner M. Santos St., ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na si Erwin Jon Almoneda, 18-anyos, estudyante at nakatira sa #228 P. Lopez St., ng naturang siyudad.
Sa ulat ng Pasay Police, nakipamiyesta sa kakilala nila sa pangalang “Kuya Boy” si Almoneda sa #346 Magtibay St., ng naturang lungsod dakong alas-5 kamakalawa ng hapon.
Nang dumating sa bahay, nagkataon rin na kumbidado pala si Yoshioka na naabutan nilang nakikipag-inuman na sa loob ng naturang bahay.
Kaagad umanong bumunot ng patalim si Almoneda at sunud-sunod na pinagsasaksak ang biktima saka mabilis na tumakas.
Nagsasagawa na ng follow-up operations ang pulisya sa kasong ito.
- Latest
- Trending