MANILA, Philippines - Patay ang isang Koreanong Pastor na nagmamaneho ng isang van nang barilin ng mga armadong lalaki na dumukot din sa dalawa pa nitong kasamahan kahapon ng madaling-araw sa Ortigas Center, Pasig City.
Nakilala ang nasawi na si Cho Tae Hwan, isang reverend ng Evangelical Worship na nakabase sa Cainta, Rizal at miyembro rin ng PNP Values and Spiritual Counsel Association Inc.
Nakumpirma naman na pinalaya rin ng mga salarin ang mga dinukot nila makaraang sumulpot dakong alas-4:30 ng madaling- araw sa Eastern Police District (EPD) ang isa sa mga dinukot na si Kim Hyou Suk kasama si Korean Embassy Consul Jung Soon Chul. Iniulat rin nila na nasa ligtas na kalagayan si Kim Young Cun na dinala na sa Palace Hotel sa Makati City.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), sinundo ni Cho Tae Hwan ang pitong Korean national na sina Kim Hyou Sik, Kim Young Cun, Kim Jeong Suk, Cho Eun Hye, Han Jin Suk, Choi Ho Young, at Kim Da Ean buhat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) I dakong alas-10:10 kamakalawa ng gabi.
Bandang alas-12:40 ng madaling- araw, binabagtas ng mga biktima lulan ng dark blue na Chevrolet van (XEV-328) ang kahabaan ng Ortigas Avenue Extension sa Brgy. Sta. Lucia, Pasig City nang biglang harangin ng isang puting van na hindi nakuha ang plaka at lumabas ang apat na suspect na pawang mga armado.
Ayon sa pulisya, puwersahang isinama ng mga salarin sina Kim Young Cun at Kim Hyou Sik na hindi pa nakuntento ay nilimas pa ang gamit ng mga turista.
Bago tumakas, dalawang beses na pinagbabaril ng mga salarin si Hwan na tinamaan sa kilikili at kaliwang braso.
Mabilis na tumakas ang mga salarin lulan ng kanilang get-away car at ibinaba ang dalawang tinangay sa Cainta, Rizal.