MANILA, Philippines - Nakatakdang gibain ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang footbridge partikular sa area ng Quezon City habang pinag-aaralan kung tatanggalin o mananatili ang pagpapatupad ng U-turn slot sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Ayon sa MMDA, gigibain na ang ilang nakatayong footbridge sa may Commonwealth, Quezon City, dahil sisimulan na ang proyekto ng Metro Rail Transit (MRT) 7.
Nabatid na ang naturang footbridge ay makakasagabal sa pagtatayo ng MRT 7, kung saan hindi naman tumututol ang MMDA sa nakatakdang paggiba sa mga footbridge sa kabila na ginastusan ito ng ahensiya.
Ang MRT 7 ay aabot na ng San Jose Del Monte, Bulacan at magiging positibo ang naturang proyekto para sa mga pasahero na umuuwi ng naturang lalawigan.
Samantala, ipinahayag pa rin ni MMDA Chairman Francis Tolentino, na pinag-aaralan nila sa ngayon kung epektibo pa ang U-turn slot sa Metro Manila.
Kung sa tingin aniya nila na positibo pa rin ang epekto ng U-turn slot sa mga motorista, magpapatuloy ang MMDA sa pagpapatupad nito at kung hindi na aniya maganda ang resulta, saka lamang sila magdedesisyon para buwagin ang naturang traffic scheme.