MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula na walang katotohanan ang isyung pagbuwag sa ahensiya bagkus ay sinisimulan na ang mga hakbang upang maibalik ang “old glory” nito.
Ayon kay Gatdula, nagtatag siya ng isang grupo na bubuo at magpapatupad ng 3-5 year program na magpapalakas pa sa kakayahan ng NBI. Posibleng ‘taken out of context’ ang sinasabing pahayag niya na pinangangambahang malusaw na ang NBI dahil sa redundant functions lamang sa trabaho ng Philippine National Police (PNP).
Hindi umano niya sinabing dapat nang i-abolish ang NBI, bagkus ay ang tinutukoy lamang niya ay ang ilang yunit na kanyang binuwag dahil sa pagdodoble ng trabaho, nang siya ay maupo bilang director.
Ayon kay Gatdula, pinayuhan niya noon ang mga opisyal at ahente ng NBI na huwag nang magsagawa ng raid sa mga nightclub at pasugalan at hayaan na lamang ito sa mga pulis at harapin at tutukan ang mga di pa nareresolbang big-time at high-profile cases na pinondohan ng United Nations Development Program (UNDP), para palakasin ang criminal justice system.
Hindi naman naniniwala si Gatdula sa rekomendasyon ng UNDP.