3 araw na ultimatum ng Maynila sa ICTSI
MANILA, Philippines - Tatlong araw lamang ang ibinigay ni City Building Official chief, Engr. Melvin Balagot sa International Container Terminal Service, Inc. (ICTSI) at sa Hanjin Corporation upang isumite ang kanilang mga hawak na permit para sa konstruksiyon ng pantalan sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila.
Sa panayam kay Balagot, kailangan na matiyak na may hawak na permit ang ICTSI at ang Hanjin bago nagsagawa ng anumang konstruksiyon sa lupa na sakop ng lungsod ng Maynila.
Ayon kay Balagot, pangunahing tungkulin ng city government na tiyakin ang seguridad ng lugar lalo pa’t napapaligiran ito ng mga squatters.
Nabatid na hanggang sa Martes maaaring isumite ng ICTSI ang mga dokumento matapos na bigyan nila ito ng notice noong Biyernes.
Sakali umanong mabigo ang ICTSI na magsumite ng permit, mapipilitan umano siyang mag- isyu ng Cease and Desist Order.
Sinabi ni Balagot na tila binalewala ng dalawang kompanya ang building code na isang pangunahing dapat na batayan sa pagpapatayo ng anumang gusali o konstruksiyon. Lumabag umano ang ICTSI sa 301 ng National Building Code.
Samantala, tiniyak din ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na hindi nila lulubayan ang isyu hangga’t walang linaw kung sino ang dapat na managot sa ginagawang pantalan.
Aniya, hindi maaaring balewalain na lamang ng konseho at ng city government ang umano’y pambabastos ng ICTSI dahil maging ang ibang mga kompanya ay sumusunod sa batas.
Lumilitaw na maging US Embassy at ang Central Bank ay nagbabayad ng mga fees sa city government.
- Latest
- Trending