Pakistani, timbog sa abortion pills
MANILA, Philippines - Arestado ang isang Pakistani matapos na mahulihan ng 5,000 tabletas na pampalaglag sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Leon Nilo de la Cruz, si Mohammed Hanif , 53 ay inaresto sa parking area ng Shopwise Supermarket sa Libis, Quezon City bandang alas-7 ng gabi.
Isinagawa ng mga operatiba ang operasyon matapos na makatanggap ng imporasyon hinggil sa iligal na pagbebenta ng dayuhan ng nasabing mga gamot.
Hindi na nakapalag si Hanif matapos na maaktuhan ng mga awtoridad na nagbebenta ng tabletas na cytotec.
Ang cytotec drug na may generic name na misoprostol ay gamot laban sa gastric ulcers subalit ginagamit para sa abortion o paglalaglag ng sanggol.
Nakatakas naman ang kasamang lalaki ni Hanif na mabilis na sumakay ng isang kulay abong Nissan Vanette na may plakang WFH-397.
Nahaharap ngayon ang dayuhan sa kasong paglabag sa Republic Act 8203 o Law on Counterfeit Drugs; RA 3720 o Food, Drugs and Cosmetic at RA 4729 o Law on Contraceptive Drugs and Devices.
- Latest
- Trending