MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Makati City Police ang pagkamatay ng isang estudyante ng University of Makati sa hazing ng fraternity na Alpha Phi Omega (APO).
Sinabi ni Sr. Supt. Froilan Bonifacio, hepe ng Makati police, na nakatanggap na rin sila ng impormasyon sa pagkamatay ng isang Carl Intia, nasa pagitan ng 19-20 anyos at kumukuha ng Building and Wiring Management vocational course sa ilalim ng College of Technology Management ng naturang unibersidad.
Tumanggi naman si Bonifacio na hawakan ang naturang kaso dahil sa miyembro rin umano siya ng APO fraternity upang hindi siya mapagbintangan ng whitewash. Nakikipagkoordinasyon naman sila ngayon sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang ito ang magsagawa ng imbestigasyon sa naturang kaso.
Tiniyak naman ni UM president Mel Adriano sa pamilya ng biktima na walang whitewash o cover-up na mangyayari sa insidente kung saan sangkot ang nasa 15 hanggang 20 estudyante ng pamantasan.
Nabatid na national president rin ng APO si Adriano habang miyembro rin ng APO si dating Makati Mayor at Vice-President Jejomar Binay.