MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ng mga grupo ng Private Emission Testing Centers (PETC) owners na pawang mga miyembro ng Alagaan Natin Inang Kalikasan (ANIKALIKASAN, Inc.) sa Department of Transportation and Communications (DoTC) at Land Transportation Office (LTO) ang legalidad ng mga PETC Information Technology (IT) providers na tumatayo bilang mga “middleman” sa verification, at authentication ng mga Emission Testing Certificates sa Land Transportation Office (LTO).
Sa ginanap na public consultation kahapon sa ahensiya ng LTO, ipinagtataka ni Rod Susi, presidente ng ANIKALIKASAN kung ano ang legal basis ng mga PETC IT providers upang maging IT provider gayung mayroon namang exclusive IT arm ang LTO na Stradcom Corporation na mura ang singil at mabilis pa ang sistema.
Ayon sa mga ito nagtataka sila kung bakit pinapayagan ng LTO na tuluyang mag-operate ang mga PETC IT provider at maningil ng P80 kada emission test kahit na pwede naman palang diretso na lang ang connection sa LTO at mas mura pa ng P20 pesos kada emission test ang bayad.
Inirereklamo din ng grupo ni Susi ang lantarang pagkakaroon ng isyung “conflict of interest” ng mga PETC IT providers na nagmamay-ari din ng mga PETC owners na kadalasang nakakaranas ng diskriminasyon sa mga maliliit na PETC owners na kung saan ay hindi kaagad umano ina-upload ang transaksiyon dahil kanilang kalaban ito sa negosyo.