'Martial rule' sa taguig lumala: Mga konsehal sinipa sa session hall

MANILA, Philippines -  Kinondena ni Taguig Vice Mayor George A. Elias at ng mga konsehal ang lumalalang “Martial rule” sa lungsod ka­sunod ng pagsipa sa kanila ng administrasyon ni Mayor Maria Laarni Cayetano mula sa ses­sion hall.

Kahapon, napilitan ang Sangguniang Panlungsod na gawin ang regular session sa hagdanan ng city hall dahil ura-uradang ipinalipat nina Caye­tano ang pagdarausan nito mula sa session hall sa city auditorium.

Hinaing ni Elias, na siya ring presiding chair ng City Council, ang patuloy na pang­gi­gipit ng kampo ni Cayetano na nagsi­mula sa mga hindi nila ka­alyadong barangay chair­men at ngayon ay sila naman sa konseho ang direk­tang iniipit ng alkalde.

Sa isang memo na may petsang Hunyo 16, 2010 na ipi­­nalabas ng Officer-in-Charge ng City Administra­tor’s Office na si Atty. Jose Luis Montales, pina­lilipat ng lugar ang regular session ng konseho.

 Binigyang-diin ni Elias na ilegal ito dahil batay sa In­ternal Rules ng City Council, tanging ang Sangguniang Panlungsod lamang ang may karapatang mag-set ng petsa, oras at lugar na pagdara­usan ng regular session.

 Mariin ding kinondena ni Elias ang pagkandado sa kanang pintuan ng session hall at isa pang pintuan pa­punta sa mga opisina ng mga konsehal sa 3rd floor ng City Hall kahapon ng umaga.

Sa isang privilege speech, binatikos ni 2nd District Coun­cilor Michelle Anne “Che-che” Gonzales ang administras­yong Cayetano sa lantarang pamba­bastos nito sa mga halal ng taong miyembro ng konseho.

 Noong Agosto 13, sinu­latan ni Montales sina Elias at mga miyembro ng City Coun­cil, at inutusang bakantehin ang kanilang mga opisina para sa isasagawang “reorga­ni­zation at renovation” ng office spaces.

Ang Gestapo-style na pa­mumuno ni Cayetano ay nag-umpisa noong Huwebes nang puwersahang kumpis­ka­hin at hatakin ng mga ta­uhan nito ang mga sasakyang legal na na­ ipamahagi ng lokal na pa­mahalaan sa mga ba­rangay na hindi nila kaalyado.

Show comments