'Martial rule' sa taguig lumala: Mga konsehal sinipa sa session hall
MANILA, Philippines - Kinondena ni Taguig Vice Mayor George A. Elias at ng mga konsehal ang lumalalang “Martial rule” sa lungsod kasunod ng pagsipa sa kanila ng administrasyon ni Mayor Maria Laarni Cayetano mula sa session hall.
Kahapon, napilitan ang Sangguniang Panlungsod na gawin ang regular session sa hagdanan ng city hall dahil ura-uradang ipinalipat nina Cayetano ang pagdarausan nito mula sa session hall sa city auditorium.
Hinaing ni Elias, na siya ring presiding chair ng City Council, ang patuloy na panggigipit ng kampo ni Cayetano na nagsimula sa mga hindi nila kaalyadong barangay chairmen at ngayon ay sila naman sa konseho ang direktang iniipit ng alkalde.
Sa isang memo na may petsang Hunyo 16, 2010 na ipinalabas ng Officer-in-Charge ng City Administrator’s Office na si Atty. Jose Luis Montales, pinalilipat ng lugar ang regular session ng konseho.
Binigyang-diin ni Elias na ilegal ito dahil batay sa Internal Rules ng City Council, tanging ang Sangguniang Panlungsod lamang ang may karapatang mag-set ng petsa, oras at lugar na pagdarausan ng regular session.
Mariin ding kinondena ni Elias ang pagkandado sa kanang pintuan ng session hall at isa pang pintuan papunta sa mga opisina ng mga konsehal sa 3rd floor ng City Hall kahapon ng umaga.
Sa isang privilege speech, binatikos ni 2nd District Councilor Michelle Anne “Che-che” Gonzales ang administrasyong Cayetano sa lantarang pambabastos nito sa mga halal ng taong miyembro ng konseho.
Noong Agosto 13, sinulatan ni Montales sina Elias at mga miyembro ng City Council, at inutusang bakantehin ang kanilang mga opisina para sa isasagawang “reorganization at renovation” ng office spaces.
Ang Gestapo-style na pamumuno ni Cayetano ay nag-umpisa noong Huwebes nang puwersahang kumpiskahin at hatakin ng mga tauhan nito ang mga sasakyang legal na na ipamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga barangay na hindi nila kaalyado.
- Latest
- Trending