DILG nilusob dahil sa 'Food for Work Program'

MANILA, Philippines - Nilusob kahapon ng mga maralitang residente ang tanggapan ng Depatment of Interior and Local Govern­ment (DILG) upang iprotesta at tuligsain ang planong pa­mamahagi nito ng bigas na may kapalit na paglilingkod o trabaho.

“Food and Work, hindi “food for work”. Ito ang daing ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa harap ng DILG office dahil ito lamang umano ang paraan para tuluyang maibsan ang kahirapang nararanasan ng maraming maralitang mama­mayan.

 “Sapat na pagkain at disenteng trabaho ang dapat ilaan sa mga maralita, at ang food for work scheme ay hindi disenteng trabaho,” ayon kay Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay.

Base sa panukala ng pa­mahalaan, may 150,000 sako ng bigas mula sa NFA ang ilalaan para sa programa na bibilhin ng mga interesadong local government units (LGUs) para sa pagpapa­tupad ng food for work pro­grams sa kanilang lokalidad. Katumbas ng minimum wage ang ibibigay na bigas bilang sahod sa mga magtatrabaho sa programang ito.

Giit ng grupo, dapat ay agaran na lang ipamahagi sa mga mahihirap na pamilya ang sobra-sobrang bigas sa mga imbakan ng NFA, bilang “mapagpasya at tuwirang tugon sa malalang kagutuman sa bansa.”

Nauna nang iminungkahi ng DILG na dapat ay pagtra­bahuhan muna ng mga ma­mamayan ang kanilang ma­ku­kuhang bigas alinsunod sa programang ipapatupad para rito, upang maging balanse ang makukuhang benepisyo para rito.

Show comments