Mister nagbigti matapos todasin si misis
MANILA, Philippines - “Sa inyong mga kapatid ko, patawrin nyo ako di ko snasadya punong-puno na kami ng problema ni Len aksidenteng napatay ko sya, ihingi nyo na lang ako ng tawad kay mame at dade paalam sa inyong lahat pagod na pagod na ako sa mga panlolokong ginagawa skin – PTWAD, Si Shai nsa kwarto paki punthan.”
Ito ang mensahe sa text na natanggap ng kapatid ng 45-anyos na jeepney operator bago nadatnang walang buhay at nakabigti matapos mapatay ang kanyang misis sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Lumipas pa ang ilang oras bago nadiskubre na kapwa bangkay na ng dalawang nakilalang sina Valentino Perez ng F. Varona St., Tondo; at Krisleen M. Celis, 25-26 anyos, dating call center agent na tubong Taytay, Rizal.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Jay Santos ng Manila Police-Homicide Section, dakong alas-12:20 na ng madaling-araw nang madiskubre ang krimen ni Lilibeth Cruz, kapatid ni Perez matapos matanggap ang text na humihingi ng tawad at habilin na kunin ang anak sa kanilang kuwarto.
Nagtungo si Cruz sa tahanan ng kapatid upang alamin kung totoo ang nangyari subalit patay na nang makita niya ang kapatid na nakabigti sa kisame ng bahay.
Nakita rin umano niya ang bangkay ni Celis na matigas na at nakahiga sa sofa na may nakatakip na unan.
Sinabi ni Cruz sa pulisya na may limang taon nang nagsasama ang kapatid at si Celis at noong Mayo, 2010 ay nagkaroon ng di-pagkakaunawaan ang dalawa dahil sa selos na muntik nang mauwi sa kanilang hiwalayan.
Posibleng dinaganan ng unan upang hindi makahinga si Celis, hanggang sa matuluyan dahil walang nakitang palatandaan na pinahirapan o sugat sa katawan.
Posibleng nagsisi si Perez nang makitang napatay si Celis kaya nagpatiwakal na rin.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
- Latest
- Trending