Budol-Budol Gang umatake: Tsinoy natangayan ng P.6-M

MANILA, Philippines - Tinatayang umaabot sa P.6 milyong halaga ng pera ng isang Chinese ang nata­ngay matapos na mabiktima ang kanyang katulong ng kilabot na “Budol-Budol” gang sa lungsod Quezon.

Ayon kay SPO1 Edwin Ditan ng Quezon City Police District-Police Station 10, dumulog sa kanilang tang­gapan ang biktimang si John Uy, 25, property consultant at residente ng no. 70 Lantana St., Brgy. Imma­culate Con­cepcion maka­raang ibigay ang pera at ma­biktima ng Budol-Budol ang kan­yang katulong na si Minda Cuadra ng isang hindi kila­lang ginang na miyemro ng grupo sa harapan ng Quiapo Church sa Maynila.

Nag-ugat ang insidente nang makatanggap umano ng tawag sa telepono si Cuadra buhat sa isang babae na nagsabi sa kanya na ang among si Uy ay na­ak­sidente at nasa kritikal na kondisyon kung kaya nanga­ngailangan ito ng malaking halaga ng salapi para sa bayarin sa pagpapagamot.

Kasunod nito, inutusan na umano ng babaeng caller si Cuadra na buksan nito ang drawer ni Uy at kunin ang lahat ng perang naka­lagay dito saka dalhin sa Quiapo kung saan niya kukunin.

Sumunod naman si Cuadra hanggang sa dalhin niya ito sa pinagkasunduang lugar ganap na alas-3 ng hapon at ibinigay sa ginang ang nasabing pera.

Ayon kay Cuadra, mata­pos niyang iabot sa babae ang pera ay bigla na lang itong umalis, kung kaya’t nag­pasya na siyang bumalik sa bahay ng among naghi­hintay sa kanya at nala­mang naloko siya.

Sinabi ni Ditan, matagal nang nababalita ang gani­tong uri ng modus operandi pero marami pa ring nabi­bik­ tima dahil may mga among hindi pinaalalahanan ang kanilang katulong hinggil dito.

Show comments