Kelot pinagtripan, dinedo

MANILA, Philippines - Tinadtad ng bala ang katawan ng isang lalaki na ikinasawi nito makaraang mapagtripan lamang ng hindi pa kilalang mga suspect, kahapon ng madaling araw sa Pandacan, Maynila.

Naliligo sa sariling dugo ang biktimang kinilala sa pamamagitan ng nakuhang ID sa kanyang wallet sa pangalang “Henricson Hilario”.

Anim na bala sa leeg at katawan ang tinamo ng biktima na inilarawan na nasa edad na 20 hanggang 25 anyos, may taas na 5’7 hanggang 5’8, nakasuot ng puti na t-shirt at maong na pantalon.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:20 ng madaling-araw nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa tapat ng isang bahay sa   Balagtas St., Pandacan, Maynila ng ilang tambay na unang nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.

Hindi kilala ang biktima sa lugar kaya posibleng napagtripan lamang siya ng isang grupo rito.

Inilagak ang bangkay sa St.Yvan Funeral Parlor.

Show comments