Ex-sekyu timbog sa panloloob sa Hapones
MANILA, Philippines - Isang dating guwardya ang arestado matapos nitong holdapin at igapos ang isang Japanese national at ang tatlo pang katao kahapon ng umaga sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Rex Rabaroga, 29, nakatira sa G2 Village, Brgy. West Bicutan, Taguig City. Samantala, kinilala naman ang biktimang si Yatsuharu Yokota, 60, pansamantalang nanunuluyan sa Room 1807-A, #2626 Antel Seaview Tower, Roxas Boulevard, Pasay City, girlfriend nitong si Merrylyn Gamboa, 19 at kasambahay na si Lindelou Asuncion, 23.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 Leo Labrador ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay Police, naganap ang insidente dakong alas-7:00 ng umaga sa nabanggit na condominium na tinutuluyan ng mga biktima.
Nabatid na paalis na ng kanilang tinutuluyan si Yokota at kasintahang si Gamboa, dakong alas-7:00 ng umaga upang mag-jogging nang salubungin sila ng suspek na may hawak na patalim at pinabalik muli sa kanilang unit.
Iginapos kaagad ng suspect si Gamboa at si Asuncion sa loob ng servants quarter bago pinabuksang pilit kay Yokota ang vault subalit sinabi ng biktima na matagal na niyang hindi ginagamit ang kaha-de-yero kaya’t hindi na niya matandaan ang numero nito.
Sinabi umano ni Yokota na nasa kanyang tanggapan sa ikalawang palapag ng condominium ang salapi at ipaa-akyat na lamang niya sa kanyang interpreter na si Inoue. Madali namang nai-akyat ni Inoue ang P95,000 cash at naibigay niya ito kay Rabaroga kaya’t iginapos din ng suspect ang Hapones at interpreter sa loob ng silid ng kasambahay.
Narinig umano ni Yokota na tinawagan ng suspect ang kasintahang si Janice Alcuetas na dating kalive-in ng biktima at inutusan ang lalaki na halughugin pa ang kabilang silid na inookupa rin ng Hapones.
Dito na nakakita ng pagkakataon sina Yokota at Inoue na kalagin ang kanilang gapos at kaagad na lumabas ng kanilang unit upang humingi ng tulong sa mga security personnel.
Hinahanap naman ng pulisya ang kasintahan ng suspek na si Alcuetas na umano’y nag-utos sa suspek na isagawa ang panghoholdap.
- Latest
- Trending